Tuesday, October 26, 2010

Pagmumuni sa Umaga ng isang Buntis

Gising na naman ang aking diwa. Tatlong oras na siyang lumilipad lipad at paikot ikot sa aking isipan habang pilit ko siyang pinatatahimik upang makuha ang ninanasang himbing na tulog. Kawawa naman ang anak ko sa sinapupunan, kulang na kulang sa tulog, lagi na lang gising ang ina kahit pikit ang mata.


Sabi ng aking mabuting asawa, ipikit lang ang aking mata at magbilang ng tupa. Haay, ilang ulit ko na bang ginawa yan sa aking buhay. Minsan tumatalab, madalas sa hindi. At sa mga ganitong pagkakataon, alam ko na ang gusto niya. Gusto niyang mapagod. Kaya eto na naman ako sa harap ng modernong makinilya, nagsusulat ng kung anuman ang pumasok sa aking kamalayan.



Sa ngayon, ang nasa isip ko ay ang aking sanggol. Kamusta kaya siya sa loob? Sabi ng aking doctor, sa panglabingtatlong linggo pa lang maaaring marinig naming muli ang kanyang tibok ng puso na hindi nag”uultrasound” at gamit lamang ang isang “Doppler” instrument. Pang sampung linggo pa lang. Tatlong linggo pang paghihintay. Sa kanyang edad , meron na siyang utak at puso at kanyang binubuo ang kanyang mga paa’t kamay. Marahil kaya madalas ding magising ang kanyang ina, nagsimula na siyang mag-isip at ginigising niya ang nanay para samahan siya sa kanyang mga pagmumuni, pagninilay at mga katanungan. Gusto kong sabihin sa kanyang, Anak, matulog ka muna, paglabas mo at sa paglaki mo, magsasawa ka sa pagiisip sa kung anu ano. Magsasawa ka sa pagdiskubre ng mga bagay bagay at paghanap ng kasagutan sa iyong mga tanong. Ngunit malamang sa hindi ay hindi siya makikinig sa akin. Minsan ako’y nanggangamba sa sinabi ng aking asawa, baka magmana ang ating anak sa iyo na matigas ang ulo. Kung ganun man ay hindi niya kailanman malalaman na mas naiintindihan ko siya higit sa lahat. Dahil pilit niyang iisiping kaya niya ang lahat ng bagay ng walang tulong, na matalino siya kung kaya’t makakaisip siya ng makakaisip ng tamang sagot sa lahat .Buti na lang at dalawa ang magulang. Isang ama at isang ina. Ang ama niya ang magtuturo at magsasabi sa kanya ng mga bagay na hindi niya kailanman tatanggapin mula sa akin.

Wala sa tabi naman ngayon ang kanyang ama. Walang taga”yapos” at tagahagod ng ulo upang muling makabalik sa tulog ang kanyang mag-ina. Andito kami ngayon sa kanyang Lola. Kapiling ang kanyang Tito Aaron , Tita Malou, Tita Irene at Ate Kat. Kung ang Lola niya ang masusunod, gusto niyang dito kami muna at dating gawi si Lola and tagadala ng pagkain at gatas sa kama. Minsan , naiisip ko marahil dapat ganito muna. Pero nararamdaman kong magrereklamo ang bata. Gusto niyang kasama ang ama. Kailangan na naming bumalik sa probinsiya.



Inabutan na naman ako ng umaga. Mag-aalmusal na kami ng aking "baby". Pero sana anak, pagkatapos nito, matulog na tayo. Pagod na rin ang nanay sa ilang oras nating hiwalay at minsa'y magkasamang pagmumuni.Mamayang gabi susunduin na tayo ng iyong tatay pauwi, kaya meme na meme na. Makikita na natin siya maya maya.

No comments:

Post a Comment